MANILA, Philippines- Tatlong indibidwal ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa illegal recruitment, estafa at syndicated estafa.
Ayon sa NBI, unang naaresto ang dalawa sa reklamo ng pitong complainant ng illegal recruitment at estafa laban kina Girish Fuego at Glenmore Banagan.
Sa sinumpaang pahayag ng mga complainant, nagpakilalang recruitment agent ng CPL Masters Recruitment Inc. si Fuego kung saan naghahanap ito ng skilled workers para sa deployment patungong Austria na tatanggap ng P100,000 buwanang sweldo.
Nasilaw sa malaking alok na sahod kaya nagbigay ng paunang bayad na P166,600 ang isa sa complainant para sa umano’y pagproseso ng medical, working visa, travel insurance, placement fee, at plane tickets.
Nanatili ang complainant at iba pang aplikante sa bahay ni Fuego sa Nueva Estancia Subdivision sa Gen. Trias City, Cavite kung saan naman nagpakilala si Banagan na kinatawan ng isang foreign recruitment agency at isa sa responsable para sa paghahanap ng employers para sa mga Filipino.
Dahil inabot na ng mahigit isang taong paghihintay, nagpasaklolo na ang mga aplikante sa Department of Migrant Workers (DMW) kung saan natuklasan na si Fuego at Banagan ay hindi lisensyado o awtorisado ng DMW para mag-recruit ng mga mangaggawa sa ibang bansa.
Wala rin silang rekord ng employment sa Placewell International Services Corporatun at CPL Masters Recruitment Agency Inc.
Ikinasa ang entrapment operation laban sa mga suspek na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto sa nabanggit na mga paglabag sa Batangas at Marinduque.
Samantala, arestado rin si Evan Jessie Y. Sabilla o kilala bilang Eddie Jessie Sabila dahil naman sa Syndicated Estafa.
Ayon sa NBI, nag-isyu ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) Branch 108 ng Pasay City para sa Syndicated Estafa laban sa suspek.
Noong Pebrero 27, ang National Central Bureau -Singapore (NCB-Singapore) ay nag-abiso sa counterpart sa Manila na ang Singapore Immigration Officers ay nasabat ang suspek habang tinangkang pumasok sa Singapore.
Agad na pinabalik ng bansa ang suspek na sinalubong naman ng BI officers at inilipat naman sa kustodiya ng NBI-IAID at NBI-IOD para sa standard operating procedure. Jocelyn Tabangcura-Domenden