Home METRO 40K litro ng ismagel na diesel fuel nasamsam ng BOC

40K litro ng ismagel na diesel fuel nasamsam ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P2 milyong halaga ng ismagel na diesel fuel ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga Water Patrol Division sa isang bangka sa Varadero de Cawit shipyard noong Sabado, Marso 1 sa Zamboanga City.

Ayon sa BOC, nasa 40,000 litro ng krudo ang karga ng isang bangka na may pangalang ML Dino Saja na tinitimon ng isang Moamar Hadjirul, residente ng Tawi-Tawi, kasama ang anim nitong tripulante.

Nabatid kay BOC-Zamboanga port collector na si Zsae de Guzman, na ang bangka ay nakita sa AMR private wharf ng BOC-Water Patrol Division na nagpapatrolya laban sa illegal smuggling activities. Hiniling ng BOC sa kapitan ng bangka na magpakita ng mga kaukulang dokumento ngunit nabigo ito

Nasamsam ng BOC ang barko at gasolina at dinala sa kustodiya ng Water Patrol Division sa Recodo Station.

Inutusan ni De Guzman ang Customs police na mag-isyu ng Warrant, Seizure, and Detention (WSD) order sa may-ari ng barko para sa kumpletong imbentaryo ng mga kontrabando.

Samantala, nasa 89 galon ng diesel na nagkakahalaga ng P100,000 ang narekober ng Lamitan Police Station sa isang trak sa Sitio Little Cebu, Barangay Maganda, Lamitan City, Basilan, noong Sabado.

Kinilala ni Lamitan police chief Police Lt. Col. Elmer Solon ang hinihinalang may-ari ng kontrabando na si Engelbert Ituralde Ulang, 36, residente ng Sitio Sayugan, Barangay Maganda. Sinabi ni Solon na nakatakas ang driver ng trak.

Ang mga narekober na gasolina ay inilagay sa kustodiya ng Lamitan Police Station para i-turnover sa BOC. JR Reyes