Home NATIONWIDE Kapag pinalad sa eleksyon, death penalty vs drug traffickers muling ikakasa ni...

Kapag pinalad sa eleksyon, death penalty vs drug traffickers muling ikakasa ni Bato

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na kanyang isusumite muli sa Senado ang panukalang patawan ng parusang kamatayan ang high-level truck traffickers dahil sa pagbabalik ng heinous crimes sa bansa.

Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na kanyang ihahain muli ang death penalty sa drug traffickers sakaling palarin muli sa Senado sa darating ng Mayo.

Naniniwala si Dela Rosa, chief implementer ng Oplan Tokhang na tinarget ang malilit na drug pusher at user, na tanging death penalty ang solusyon sa problema ng bansa sa droga.

“Kung sakaling papalarin, ipa-file ko pa rin ulit kagaya itong walang kamatayang death penalty for high-level drug traffickers. Hindi kasama dito ‘yung mga small-time na mga pusher diyan sa kalsada, drug pusher. Ito ‘yung mga big-time, ‘yung mga malakihan,” giit ng senador.

“Hindi makalusot-lusot dahil nga medyo kontrobersyal. But still, I truly believe, I’m really convinced na kung ito ay makapasa ay ito ang magiging solusyon sa mga problema na kinakaharap ng ating bansa ngayon,” dagdag niya.

Noong 2019, inihain ni Dela Rosa ang Senate Bill 226 na may layunin na ibalik ang parusang kamatayan para sa krimen na sangkot ang droga.

Muli nitong isinulong ang panukala nitong 2022 sa ilalim ng 19th Congress. Sa naturang taon, aniya, na hindi siya mangingilag na kausapin ang Palasyo upang gawing certified bill ang death penalty para sa high-level drug traffickers bilang urgent kapag nagkaroon ng pagkakataon.

Wika niya, kailangan ang kamay na bakal laban sa krimen.

“Alam niyo ‘yung kahindik-hindik na krimen, mga heinous crimes na ‘yan, magagawa nila ‘yan kapag sila’y wala sa tamang pag-iisip at sila ay under the influence of drugs,” anang senador.

“Sa kampanya na ito, hindi mo matatalo itong ilegal na droga through petiks-petiks approach or padisente-disente approach or ‘yung you treat this problem with kid gloves. Kailangan talaga kamay na bakal ang gamit mo dito. Hindi pupwedeng hindi mo gamitan ng kamay na bakal, otherwise, tatawanan ka lang nitong mga sindikato na ito. Kailangan seryosohin natin ito,” patuloy niya.

Nahaharap si Dela Rosa kabilang ang ilang opisyal ng nakaraang administrasyon sa kasong crimes against humanity hinggil sa umano’y sistematikong pagpatay sa drug war sa ilalim ng police operations.

Umabot sa 6,000 ang napatay base sa records ng pamahalaan ngunit sa pagtataya ng ilang human rights groups, aabot sa 30,000 ang nasawi kabilang ang vigilante killings.

Pangalawa si Dela Rosa sa akusado sa drug war probe ng International Criminal Court (ICC). Ernie Reyes