Home NATIONWIDE Bong Go, Willie Revillame nagsama sa QC motorcade

Bong Go, Willie Revillame nagsama sa QC motorcade

MANILA, Philippines- Nagsagawa si Senador Christopher “Bong” Go ng isang motorcade sa mga pangunahing pampublikong pamilihan sa Quezon City noong Lunes, Marso 3, kasama si senatorial aspirant Willie Revillame.

Binigyang-diin ng dalawa ang kanilang pangako na iaangat  ang buhay ng mga mahihirap at mahihinang sektor.  

Huminto ang motorcade sa mga pampublikong lugar tulad ng Payatas Market, Commonwealth Market, NEPA Q-Mart, at Balintawak Market. 

Sa panayam, inulit ni Go ang kanyang panawagan na unahin ang mga pro-poor na programa at idiniin ang pangangailangang ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga taong higit na nangangailangan nito.  

Iginiit niya ang accessibility sa mga serbisyo ng gobyerno na siyang susi sa pagtiyak ng tunay na pag-unlad para sa mga mahihirap. 

Higit pa sa accessibility, itinampok ni Go ang seguridad sa pagkain bilang isang kritikal na isyu at hinimok niya ang gobyerno na tulungan ang mga magsasaka. 

Aniya, ang pagpopondo sa agrikultura ay hindi lamang pakikinabangan ng mga magsasaka bagkus ay makatutulong din sa pagpapatatag ng mga presyo ng pagkain para sa mamimili.  

Habang nasa Commonwealth Avenue, isang 70-anyos na si Margarita Palacios, ang nabangga ng mga tao, nawalan ng balanse, natumba at natamaan ang ulo.

Nang mapansin ang pangyayari, agad huminto si Go para tingnan siya. Nakipag-coordinate si Go sa kanyang team para matiyak na mabibigyan ng agarang pangangalagang medikal ang matandang babae. Personal pa siyang sinamahan sa East Avenue Medical Center nina Go at Revillame.  

“Lagi nating inuuna ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan. Kaya noong nalaman kong nasaktan si Lola Margarita, hindi natin siya pwedeng pabayaan,” ani Senator Go. 

“Importante na maayos muna ang kalagayan ni lola at masigurong matutulungan siya sa gastusin sa ospital.”  

Sumailalim si Palacios sa CT scan at nakatanggap ng emergency treatment. Siniguro ni Go na sagot ng Malasakit Center sa ospital ang kanyang mga gastusin sa pagpapagamot. 

Ang Malasakit Team ay nanatili sa tabi ni Lola Margarita sa buong proseso.  

Bagama’t ang motorcade ay nilayon bilang isang public engagement event, binigyang-diin ni Go na ang kanyang pangunahing pakay ay nakatuon sa pagtulong sa mga nangangailangan, anuman ang panahon ng pulitika. 

Naglaan din siya ng sandali upang bigyan ng babala ang publiko sa panganib ng matinding init lalo’t ilang paaralan ang nagkakansela ng mga klase dahil sa tumataas na temperatura. RNT