Home METRO Kapabayaan isang mukha ng korapsyon- Discaya

Kapabayaan isang mukha ng korapsyon- Discaya

Pasig City, Philippines – Inihayag ni mayoralty aspirant Sarah Discaya na may namumuong bagong mukha ng korapsyon sa lungsod dahil sa umano’y kapabayaan sa kapakanan ng mga Pasigueño ng kasalukuyang lokal na administrasyon.

Ito ay makaraang bumuhos ang hinaing ng mga dismayadong residente ng Pasig patungkol sa kasalukuyang pamamahala ng lokal na gobyerno.

Base sa mga hinaing ng iba’t ibang sektor ng Pasig, maraming pangako ang hindi naibigay ng lokal na pamahalaan, lalo na ‘yong mga pangunahing social welfare services tulad ng edukasyon, kalusugan, at sustainable livelihood.

Ayon kay Discaya, ang hindi pagpapatupad ng mga makataong programang mapakikinabangan ng mga Pasigueño ay makabagong mukha ng korapsyon at katiwalian.

“Mayroon tayong bagong mukha ng korapsyon, at ito ay ang hindi pagpapatupad ng mga makataong programa tulad ng pagtatayo ng ospital, pagsasaayos ng mga silid-aralan, pagbibigay ng abot-kayang pabahay, at tulong-pinansyal para sa mahihirap,” sabi ni Discaya.

Dinagdag pa niya na hindi lamang tungkol sa pagbubulsa ng pondo ang korapsyon kung hindi patungkol din sa kabiguang maipahatid ang mga mahahalagang serbisyo sa publiko at pagpapabaya sa mga pangangailangan ng mga Pasigueño.

Matatandaan na nitong mga nakaraang buwan ay nadismaya ang mga Pasigueño dahil sa mataas na surplus fund ng lungsod na base sa mga mamamayan ay tinitipid ng mga namumuno sa lungsod ang pangangailangan sa serbisyo para sa ipinatatayong bagong Pasig City Hall na nagkakahalaga ng P9.62 bilyon.

Samantala, una nang nagpaabot ng pagkadismaya at reklamo ang ilang senior citizens sa Pasig dahil hindi umano sumasapat ang mga gamot at ang mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang pangangailangan.

Sa gitna ng lahat ng ito, nangako at tiniyak ni Discaya na hindi ito mangyayari sa kanyang pamumuno. Sinabi niya na panahon na upang hindi sumakay ang lokal na pamahalaan sa mga ‘pausong galawan.’ RNT