MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine Navy (PN) na ang usok na nakita sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay nagmula sa fire drill.
Hayagang itinanggi ng PN ang ulat ng Chinese state media na ang crew ang umano’y dahilan ng polusyon.
Sinabi ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Roy Vincent Trinidad na ang fire drill ay isinagawa noong Pebrero 28.
“The exercise for this particular activity was a fire drill. And they usually use combustible materials, yung madaling masunog na materials. It so happened because of the strong winds, napalakas, but they were able to put everything under control,” ayon kay Trinidad.
Tiniyak naman nito na walang pinsala sa kapaligiran at ang lahat ng mga tao na sakay ng barko ay ligtas.
Winika pa nito na ang anumang isinagawang operational exercises ng Philippine Navy warships ay naglalayon na tiyakin ang kanilang ‘survivability at operational readiness.’
Sa ulat nito lang araw ng Linggo, sinabi ng Chinese state broadcaster CGTN na ang BRP Sierra Madre ay nagsagawa ng burning activity na nag-produce ng malakas na usok.
“Recent video footage shows environmentally damaging activities onboard the vessel…Heavy smoke is seen from an apparent burning activity on a grounded Philippine military vessel,” ang sinabi ng CGTN.
Para kay Trinidad, ang report ng Chinese state media ay “part of the deceptive messaging of the Chinese Communist Party.”
Ang World War II-era BRP Sierra Madre ay nakasadsad sa Ayungin Shoal simula 1999. Ang barko ay naging simbolo ng Philippine sovereignty sa teritoryong malayo sa pampang. Kris Jose