Home METRO 3 kalaboso sa pagnanakaw sa trak ng grocery snacks  

3 kalaboso sa pagnanakaw sa trak ng grocery snacks  

CAVITE- Timbog sa mga awtoridad ang tatlong suspek na umano’y sangkot sa pagnanakaw sa isang truck na may kargang grocery snacks mula sa isang marketing company sa Imus, Cavite noong Linggo.

Batay sa ulat mula sa Police Regional Office 4A, kinilala ang mga suspek na sina “Teoderick,”  “Gonel,” at “Jomar” – isang truck driver ng marketing company.

Ayon sa police report, nawala ang truck at kalaunan ay natagpuan sa Carmona sa tulong ng Global Positioning System (GPS) device.

Subalit, nang marekober ang sasakyan, wala na ang P123,000 halaga ng mga produkto.

Sa pagbusisi sa CCTV footage malapit sa lugar ay natukoy at nadakip ang truck driver at dalawa nitong kasabwat.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Imus Component City Police Station (CCPS) ang mga suspek at nahaharap sa carnapping at qualified theft charges. RNT/SA