Bulacan – Patay ang tatlong indibiduwal kabilang ang isang ginang sa magkahiwalay na pamamaril sa dalawang bayan ng lalawigang ito.
Kinilala ang kalunos-lunos na biktima na si Alona Oliveros, 35-40 years old, may-asawa, Batia, Market Collector, residente ng Brgy. Caingin. Bocaue.
Sa report ng Bocaue police, nangyari ang pamamaril sa ginang ng hindi nakilalang riding-in tandem bandang 2:15 ng hapon nitong Mayo 15 sa Brgy. Caingin.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, lulan ng tricycle ang biktima mula sa Batia Toda Terminal nang sundan ng tandem.
Nang tiyempong huminto ang tricycle ay bumaba ang armadong back rider hanggang sa malapitang barilin ng dalawang beses sa ulo ang biktima at kinuha ang kanyang shoulder bag.
Dahil dito, agad naman nagsagawa ng dragnet operation ang mga awtoridad sa mga sumibat na tandem sa direksyon ng Sta Maria- Pandi.
Bandang 5:10 ng umaga sa kaparehong petsa, todas din sina Jairus Lao, 39 at Khalil Dimaporo, 27 kapwa construction worker, residente ng Padre Pio, Brgy. Cacarong Bata, Pandi matapos pagbabarilin ng alias Jay Tattoo at tatlong kasabwat sa Padre Pio resettlement area, ayon sa report ng pulisya.
Nabatid na nainguso pa ng biktimang si Khalil sa mga awtoridad ang mga suspek bago bawian ng buhay habang ginagamot sa Bulacan Medical Center.
Sinasabing may nakuhang sachet na pinaghihinalaang shabu kay Khalil sa nasabing ospital habang limang sachet naman sa dead on the spot na si Jairus na umanoy nakulong na rin noong Mayo 25, 2021 dahil sa iligal na droga.
Patuloy ang follow up investigation/operation ng mga awtoridad sa naturang insidente. (Dick Mirasol III)