Home METRO 3 kolektor ng NPA sumuko sa Quezon

3 kolektor ng NPA sumuko sa Quezon

LUCENA CITY- Sumuko sa mga awtoridad ang tatlong nagpakilalang kolektor ng “revolutionary tax” ng New People’s Army (NPA), iniulat nitong Martes sa probinsya ng Quezon.

Sa report ng Police Regional Office-4A, sumuko sa Quezon-PNP sina “Ka Papu/Berto,” “Ka Papa,” at “Ka Abe,” lahat ay taga-Sariaya, Quezon.

Bandang alas-4:30 ng hapon sumuko ang tatlo bitbit ang kanilang armas sa Quezon police headquarters sa Camp Nakar sa nasabing lungsod.

Isinuko din ng tatlo ang caliber .45 pistol, .38 revolver, Colt commando 5.56mm rifle, mga bala at tatlong 40mm na granada.

Sinabi ng tatlo na sila ang nag-ooperate sa buong lalawigan para mangolekta ng tinatawag nilang “revolutionary tax” bilang kasapi ng mga NPA Tax Implementing Unit.

Inihanda na ang pamahalaan ang tulong sa mga dating rebelde para sa kanilang pagbabagong-buhay sa programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program.

Makukuha ng mga ito ang kabayaran sa pagbabalik nila ng armas, pabahay, medikal, mga pautang, at legal na tulong. Mary Anne Sapico