Home METRO P7M shabu nasamsam sa HVI

P7M shabu nasamsam sa HVI

MANDAUE CITY- Arestado ang isang high value individual (HVI) matapos mahulihan P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation noong Lunes sa lungsod na ito.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mercy Villaro, spokesperson Mandaue City Police Office (MCPO), ang suspek ay kilala sa alyas na “Pao-Pao,” 35, at residente ng Brgy. San Isidro, San Fernando.

Batay sa report ng Mandaue City police, bandang alas-11 ng gabi nang madakip ang suspek sa Brgy. Subangdaku ng nabanggit na lungsod.

Nakuha sa suspek ang malaking bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon at nakapagbebenta umano ito ng higit sa dalawang kilo ng shabu kada linggo sa buong lungsod at karatig na lugar.

Dinala naman sa Regional Forensic Unit 7 ang mga nakumpiskang shabu para sa laboratory examination.

Sinabi ni Police Colonel Julius Sagandoy, director ng Mandaue City Police Office (MCPO), nadakip ang suspek dahil laging bukambibig ng mga nahuling suspek sa buy-bust operation ang alyas na “Pao-Pao” na siyang pangunahing supplier ng shabu sa buong lungsod.

Agad na inilatag ang buy-bust operation ng pinagsamang pwersa ng MCPO, City Intelligence Unit, Philippine National Police Drug Enforcement Group, Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas (PDEA-7), laban sa suspek na nagresulta sa pagkakahuli rito.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. Mary Anne Sapico