Home METRO Talamak itinumba habang ‘bumabatak’

Talamak itinumba habang ‘bumabatak’

MANILA, Philippines- Patay ang isang lalaki na sinasabing talamak na sa paggamit ng shabu makaraan siyang barilin sa ulo ng isang pintor sa bahay habang “bumabatak” ng shabu nitong Linggo sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Oscar Liwanag, Jr., residente ng Quirino Ext., Brgy. 16, Tondo, Maynila.

Nakaeskapo naman ang salarin na si Dave Serrato, 36, pintor, binata ng Sevilla St.,Tondo.

Batay sa ulat ni P/Capt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang ala-1:30 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa loob ng isang bahay sa Interior 10, Perla St., Tondo.

Ayon sa pulisya, nagpa-pot session ang biktima at ilan niyang kasama nang sumulpot ang salarin.

Bumunot ng baril si Serrato at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang noo’y abalang bumabatak na biktima.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa droga ang pamamaslang. Rene Crisostomo