MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit P578,000 halaga ng shabu at dalawang illegal na armas mula sa tatlong suspek sa operasyon ng pulisya nitong Biyernes at Sabado, Mayo 17, sa Cavite at Rizal.
Ayon sa Region 4A Police, naaresto ng pulisya sa Indang, Cavite ang isang suspek na kinilalang si “Florgil” bandang 10:40 ng gabi nitong Biyernes, Mayo 16, nang pagbentahan ng hindi dokumentadong caliber .45 pistol na kargado ng walong bala sa halagang P27,000 ang poseur buyer sa Barangay Mataas na Lupa.
Nakapkapan din ng mga awtoridad ang suspek ng 11 sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 gramo at nagkakahalaga ng P374,000.
Sa Tanay, Rizal naman, naaresto ng mga operatiba ang dalawang suspek na sina “Josary” at “Bogy” sa buy-bust operation sa Barangay Plaza Aldea, madaling araw ng Sabado.
Nakumpiska naman sa kanila ang anim na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at may timbang na 30 gramo. Nagkakahalaga ito ng P204,000.
Naaktuhan ng mga awtoridad si Josary na may dalang hindi dokumentadong caliber .38 revolver na may tatlong bala.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang mga naaresto upang malaman kung saan kinukuha ang mga armas at illegal na droga.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek, habang sina Florgil at Josary ay mahaharap naman sa reklamong illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban. RNT/JGC