MANILA, Philippines – Arestado ang isang 45-anyos na babae nang mahulihan ng mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu sa operasyong ikinasa ng Taguig City police nitong Miyerkules, Mayo 14.
Sa ulat, nangyari ang pag-aresto sa M.L. Quezon Street sa Barangay Bagumbayan sa Taguig.
Ayon kay Police Capt. Jowel Golimlim, assistant chief ng Public Information Office ng Taguig City Police, inilunsad ang operasyon sa timbre ng isang informant tungkol sa bentahan ng illegal na droga sa lugar.
“Ang ating suspek po ay umamin sa nakumpiska dahil ang ating suspek po ay pamilyado po at yung ginagamit din po na kanyang kinikita ay malaking tulong din sa pang araw-araw ng kanilang pamilya,” ayon kay Golimlim, sa panayam ng ABSCBN News.
Nasa kustodiya ng Taguig City Police Station ang suspek. RNT/JGC