MANILA, Philippines – Kapwa sugatan ang tatlong mag-aama makaraang masabugan ng sumingaw na Liquified Petroleum Gas (LPG) sa loob ng kanilang bahay sa Valenzuela City.
Inoobserbahan sa Valenzuela Medical Center ang mga biktimang sina alyas “Rodolfo”, 70, dalawang anak na sina alyas “Ludivina”, 40, at alyas “Roderick” 44, sanhi ng tinamong mga lapnos sa mga kamay, paa at bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, dakong alas-9:13 Huwebes ng umaga nang gulantangin ng malakas na pagsabog ang mga residente ng Brgy. Bagbaguin na mula sa inuupahang apartment ng biktima sa 1378 B. Santol St. na dahilan ng pagsiklab ng sunog.
Kaagad namang nakapagresponde ang Barangay Volunteer Fire Brigade at Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) sa lugar kayat naapula ang apoy dakong alas-9:43 ng umaga habang mabilis namang isinugod sa nasabing pagamutan ang mga biktima.
Wala namang ibang bahay ang nadamay sa sunog bagama’t naabo ang mga gamit at ang inuupahang apartment ng mag-aama habang nabaklas din ang bakal na grill sa bintana ng kanilang kapitbahay at nasira ang ilang gamit sa eskinita dulot ng malakas na pagsabog. Merly Duero