Home NATIONWIDE Pondo sa Project NOAH, titiyaking mapupunta sa tamang flood control projects- Suansing

Pondo sa Project NOAH, titiyaking mapupunta sa tamang flood control projects- Suansing

1
0

MANILA, Philippines – Sisiguraduhin ni House Committee on Appropriations Chairperson at Rep. Mika Suansing na ang ₱1 bilyong pondo para sa Project NOAH sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act ay tuwirang mapupunta sa mga lugar na pinakakailangan ng proteksyon laban sa baha.

Ito ang binigyang-diin ni Suansing matapos makipagpulong sa mga opisyal ng University of the Philippines (UP) upang patatagin ang suporta sa sektor ng edukasyon at kahandaan sa kalamidad.

Personal na kinausap ni Suansing si UP President Atty. Angelo Jimenez upang talakayin ang patuloy na suporta para sa libre at de-kalidad na edukasyon.

Kasunod nito, tinalakay din niya ang Project NOAH kasama ang Executive Director ng UP Resilience Institute (UPRI) na si Dr. Mahar Lagmay, matapos mai-secure ng mambabatas ang naturang pondo sa tulong ng Kongreso.

Ayon sa chair ng House Appropriations, ang pondo ay dapat direktang maisalin sa mas pinalakas na flood at hazard mapping, barangay-level early warning systems, at mas tumpak na pagtukoy sa mga lugar na nangangailangan ng flood mitigation.

“Katulong ang Project NOAH, sisiguraduhin po ng inyong lingkod at ng Kongreso na tanging ang mga flood control projects lamang sa flood-prone areas ang mapopondohan,” pahayag ni Suansing.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa mga proyekto bago ito tuluyang isama sa pambansang badyet.

Ayon kay Suansing, magsasagawa ang Kamara ng panibagong yugto ng pagbusisi sa mga deliberasyon upang matiyak na ang mga proyekto ay talagang kinakailangan at maayos na maipatutupad. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here