LIBONA, BUKIDNON — Trahedya ang sinapit ng tatlong batang magkakapatid matapos tangayin ng rumaragasang tubig-baha at malunod sa Bubunawan River sa Barangay Capihan noong Lunes, Hunyo 23.
Kinilala ng lokal na disaster officials ang mga biktima na edad 12, 8, at 6. Ayon kay Neftali Montuya ng Libona Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, bangkay na nang matagpuan ang mga bata.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang magkakapatid kasama ang kanilang ina at stepfather. Imbes na dumaan sa hanging bridge, pinili ng ama-amahan na tumawid sa spillway sa kabila ng mataas na tubig-baha.
Ayon sa driver, sinubukan niyang mag-ingat, ngunit nawalan siya ng kontrol sa gitna ng malakas na agos ng tubig, dahilan upang sumemplang sila at tangayin ang mga bata.
Nakaligtas ang ina at ang driver, ngunit bangkay na nang maiahon ang mga batang biktima matapos ang isinagawang search and retrieval operation. Mary Anne Sapico