MANILA, Philippines — Pinalawig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline para sa pagpaparehistro ng mga Non-Resident Digital Service Providers (NRDSPs) hanggang Hulyo 1, 2025.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang extension ay dahil sa system migration na nakaaapekto sa VAT on Digital Services (VDS) Portal at Online Registration and Update System (ORUS).
“Itong circular ay para bigyan ng sapat na panahon ang mga apektadong NRDSPs para makasunod sa registration requirements,” ani Lumagui.
Batay sa inilabas na Revenue Memorandum Circular No. 58-2025, dapat ding i-update ng mga rehistradong dayuhang provider ang kanilang tax classification upang malinaw na maipakita ang kanilang status bilang NRDSP at maisama ang VAT sa kanilang tax type.
Giit ng BIR, kahit may extension, hindi ligtas sa pagbabayad ng buwis ang mga hindi rehistrado. Obligado pa rin silang mag-file ng tax return at magbayad ng tamang buwis. Gayundin, ang mga local buyers na gumagamit ng kanilang serbisyo ay kailangang mag-file ng remittance return at i-remit ang kaukulang VAT alinsunod sa batas.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 2024 ang Republic Act No. 12023 na nagpapataw ng 12% VAT sa digital services ng mga foreign entity—isang hakbang upang maging patas ang kompetisyon sa pagitan ng mga dayuhang digital firm at lokal na negosyo.
Kasama sa saklaw ng batas ang online marketplaces, search engines, cloud services, online media at ads, at iba pang automated digital services na ginagamit sa Pilipinas. Jay Reyes