MANILA, Philippines – Lumubog ang isang bangka matapos hambalusin ng malakas na alon sa Rosario, Cavite, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Nasagip naman ang tatlong sakay nito na pawang mga mangingisda na sina Julian Cuatodio, 61; Joel, 37 at Anjo, 31 anyos at mga residente ng Barangay Litong 1, Rosario, Cavite.
Nanguna sa pagrescue ang mga concerned citizen na sina Ariesto at Reyson Javier matapos nilang masaksihan na napaikot ng malakas na alon ang bangka dahilan upang ito ay lumubog.
Umalis ang mga mangingisda noong Setyembre 1 sakay ng FBCA Queen Jenny upang mangisda.
Nagpasya silang sumilong nang nakaranas ng masamang panahon sa dagat.
Ngunit sa malakas na hangin at malaking alon, lumubog pa rin ang kanilang bangka.
Ligtas nang nakauwi sa kanilang pamilya ang mga nasagip na mangingisda, ayon sa PCG. Jocelyn Tabangcura-Domenden