QUEZON – Nasagip ng awtoridad ang tatlong menor de edad at pitong iba pa na binubugaw online sa isinagawang operasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Tayabas at Lucena.
Naaresto ang limang suspek sa umano’y online prostitution den, na karamihan sa kanila ay kamag-anak ng mga biktima.
“Itong online prostitution den ang nangyayari dito ay meron pong mga biktima na pinapagawa ng mga sexual activities online. Ito yung nagla-live sila sa isang website kung saan ang karaniwang mga customer nila mga foreigners,” ani PNP-ACG spokesperson Police Lieutenant Wallen Arancillo.
Batay sa isang tip, nakakuha ng search warrant ang PNP-ACG matapos magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon sa pagsisiyasat, nagsimula ang dalawang online prostitution den noong nakaraang taon. Ang website ng pangkat na nagpapatakbo sa kanila ay hindi ma-access gamit ang isang lokal na credit card; ang mga bayad para sa mga palabas ay nasa dolyar.
“Bale yung bayad, kung gaano kalalala yung sexual activities na gagawin nung victim, yun din ang taas ng price na ibabayad,” ani Arancillo.
Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act in relation to the Cybercrime Prevention Act. Sinabi ng PNP-ACG na hindi pinayagan ng abogado ng mga suspek na makausap sila ng media dahil iniimbestigahan pa ang kaso. Santi Celario