MANILA, Philippines – GAMIT ang mga menor de edad, tuloy ang pagtutulak ng iligal na droga ng mga high value individual sa Taguig City.
Nitong nakalipas na araw, dalawang 17-anyos, isang kabataang babae at isang kabataang lalaki ang nahulihan ng droga ng mga Operatiba ng District Drugs Enforcement Unit Southern Police District at Taguig City Police.
Sa Brgy. Tuktukan, naaresto ang Child in Conflict With Law (CICL) na si alyas Jay, 16 anyos kasama ang 27 anyos na si alyas Kambal dakong 11:25 ng gabi ng November 5, 2024.
Inaresto ng Taguig City Police Substation 4 ang dalawang lalaking suspek na sangkot sa mga illegal drug activities.
Tinatayang nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000.00 , at nasa 25 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱3,000.00 ang nakuha sa dalawa, dagdag ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na may 9.6 gramo ng shabu, na may halagang ₱65,280.00.
Umaabot sa total na P408,280.00 ang halaga ng nakumpiskang droga sa dalawa.
Samantala, sa hiwalay na operasyon ng kapulisan, naaresto ng SPD ang 15-anyos na babae, at kasabwat nitong 27-anyos na lalaki at nakuha sa kanila ang P4 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa parking lot ng isang mall sa Western Bicutan, Taguig City nitong Nov. 5, 12:40 ng madaling araw .
Kinilala ni Southern Police District Director Brigadier General Bernard Yang, District Director ang mga suspek na sina alias Alvin, 27 anyos, na inaresto sa violation Section 5 at Section 11, Article II RA 9165 at Violation RA 10591; at alias Miracle, CICL, 15 anyos na dalagita, na inaresto dahil sa violation ng Sec. 26 ng Article II ng RA 9165.






