MANILA, Philippines – Nadakip ng mga miyembro ng Warrant and Subpoena Unit (WSU) ng Taguig City police ang Top 2 most wanted person (MWP) ng regional level bago mananghali ng Miyerkules, Nobyembre 6.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard Yang ang inarestong suspect na si alyas Joseph, 27, isang security guard.
Ayon kay Yang, naganap ang pag-aresto kay alyas Joseph dakong alas 11:00 ng umaga sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.
Ang pagdakip kay alyas Joseph, na nahaharap sa kasong murder, ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Oktubre 10, 2024 ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Antonio Murillo Olivete ng Branch 267 na walang kaakibat na rekomendasyon na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Matatandaan na noong Hulyo 2, 2024, ay sinalubong ni alyas Joseph ang 32-taong-gulang na biktima habang naglalakad ito sa Arca South, Western Bicutan, Taguig, at pilit na kinukuha ang bag ng biktima na naglalaman ng kanyang laptop at cellphone.
Nang manlaban ang biktima ay naging bayolente ang suspect kung saan pinukol nito ng malaking bato sa ulo ang biktima na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Pinuri naman ni Yang ang Taguig City police sa pagkakadakip kay alyas Joseph na nagpapakita ng dedikasyon sa kanilang trabaho upang mapanatili ang katahimikan at kaligtasan ng bawat mamamayan sa lungsod. (James I. Catapusan)