Home METRO 3 mister huli sa pagbebenta ng baril

3 mister huli sa pagbebenta ng baril

ALICIA, Isabela – Bumagsak sa kamay ng alagad ng batas matapos na maaktuhang nagbebenta ng illegal na baril ang tatlong lalake sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Santo Domingo, Alicia, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PCol. Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang tatlong suspek na lumabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ay kinilalang sina Jonard Ramos, 25 anyos, driver, Johnny Palogod, 38 anyos na kapwa residente ng Brgy. San Juan, Alicia, Isabela; at Angelito Parungao, 52 anyos na residente ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela.

Sa mahigpit na direktiba ni PCol. Bauding sa mga pagtugis sa mga kahina-hinalang indibidwal at kriminalidad ay nagresulta ito sa matagumpay na pagkakahuli ng tatlong suspek matapos na maaktuhan ang mga ito na nagbebenta ng mga illegal na baril sa isang operatiba na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga ito ang mga sunusunod: isang unit ng Cal .45 armscor, isang piraso ng magazine para sa Cal .45; anim na piraso ng bala; isang pirasong holster; 28 pirasong one-thousand peso bill (boodle money); isang pirasong P1,000 (genuine money); isang unit ng Itel Cellphone; isang brown belt bag; isang unit ng Blaze 125 motorcycle; at isang unit ng Honda Click 150 motorcycle na ginagamit sa kanilang modus operandi.

Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang tatlong suspek maging ang mga nasamsam na ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco

Previous articleDiarrhea, heat exhaustion ibinabala ng DOH sa mainit na panahon
Next articleIntel police, binaril patay