Home METRO Intel police, binaril patay

Intel police, binaril patay

GENERAL SANTOS CITY – DUGUAN bumulagta sa kalsada ang isang miyembro ng intelligence unit ng North Cotabato-PNP, matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek nitong Linggo, Marso 10 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Police Corporal Ricky M. Gomez, kasapi ng pikit Municipal Police Station Intelligence unit, North Cotabato-PNP.

Batay sa report ng General Santos City PNP, bandang 6:20 PM nang maganap ang krimen sa kahabaan ng Diversion Road, harap ng Cassandra Subd., Barangay Sinawal, General Santos City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at pauwi na sana ito galing sa Intelligence Basic Course, nang bigla na lamang sumulpot ang suspek at walang babalang pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen, nakapulot sila ng basyo ng M16 Rifle na pinaniniwalaan ginamit sa krimen.

Inaalam na ng pulisya ang tunay na motibo sa krimen ang pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran ikadarakip. Mary Anne Sapico

Previous article3 mister huli sa pagbebenta ng baril
Next articleIskolar sa Cotabato, itinumba