Home METRO Iskolar sa Cotabato, itinumba

Iskolar sa Cotabato, itinumba

COTABATO CITY- HINDI inakala ng isang college student na iskolar ng unibersidad na ang paglabas nito ng simbahan ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek nitong Linggo, Marso 10 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Michael Jan Mangulamas, 21-anyos, residente ng De Mazenod Avenue, Barangay Rosary Heights 4, Cotabato City at iskolar working student ng ng Notre Dame University (NDU) Cotabato City

Batay sa report ng Cotabato City-PNP, dakong 7:15 AM nang maganap ang krimen sa harap ng simbahan ng Iglesia ni Kristo kung saan katatapos lamang ng biktima magsamba.

Dito, walang habas na pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo ng .45 kalibre na baril.

Sa ngayon, blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng krimen habang tugis naman ang mga suspek na mabilis nakatakas.

Inilarawan naman ng mga kaanak ang biktima na isang mabait at masipag na estudyante si Mangulamas.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico

Previous articleIntel police, binaril patay
Next articleKotse, motorsiklo nagsalpukan, rider patay