MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong kilabot na miyembro ng akyat-bahay gang ng mga tauhan ng Las Piñas City police Martes ng hapon, Enero 7.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang mga nadakip na suspects na sina alyas Anthony, 24; alyas Andrei, 21; at isang alyas Paul, 19, kapwa mga residente ng Parañaque City.
Base sa ulat na natanggap ni Tafalla, nai-report ang insidente ng nakawan sa isang bahay na matatagpuan sa El Grande Avenue, Barangay BF International/CAA na pag-aari ng isang senior citizen na nakilalang si alyas Ernesto, 67, bandang alas 3:00 ng hapon.
Makaraan lamang ang kalahating oras ay dumating ang mga tauhan ng Las Piñas City police at mga opisyales ng barangay na agad na nagsagawa ng paghahanap sa posibleng kinaroroonan ng mga suspects.
Sa ilang minuto lamang ng paghahanap ay nadiskubre ang mga suspects sa kanilang pinatataguan sa kisame ng bahay na nagdulot ng kanilang pagkakaaresto.
Hindi na narekober ang mga nanakaw sa biktima na 42-inch Sony flat-screen TV (₱60,000); 43-inch Devant flat-screen TV (₱50,000), at isang Mac computer na nagkakahalaga ng ₱100,000.
Samantala, nabawi naman sa posesyon ng mga suspects ang isang air conditioning unit na nagkakahalaga ng ₱70,000.
Ang mga nadakip na suspects ay dinala sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) at nahaharap sa kasong robbery with damage to property sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan