Home METRO 3 MWP timbog sa hiwalay na anti-criminality ops

3 MWP timbog sa hiwalay na anti-criminality ops

MANILA, Philippines- Tatlong most wanted persons (MWP) ang nadakip sa magkakahiwalay na anti-criminality operations ng Pasay City police.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang mga inarestong suspek na sina alyas Regina, 50, residente ng Don Carlos Revilla Street, Barangay 148, Pasay City; alyas Kuya, 30, ng Acacia Street, Maricaban, Pasay City; at alyas Macoy, 46, residente ng Melendres Street, Hulo, Pililia, Rizal.

Sinabi ni Mayames na si alyas Regina ay inaresto dakong ala-1 ng hapon sa Don Carlos Revilla Street, Barangay 148, Pasay City ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS).

Ang pagdakip kay alyas Regina ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Pebrero 29, 2024 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Edilwasif Tapsiril Baddiri ng Branch 115 dahil sa kasong paglabag sa kasong RA 9165 (illegal possession of prohibited drugs) na walang kaukulang rekomendasyon ng piyansa.

Isinilbi naman dakong alas-2 ng hapon ng Maricaban Substation ang warrant of arrest laban kay alyas Kuya na inisyu ni Makati City RTC Judge Ethel V. Mercado-Gutay ng Branch 137 na walang kaukulang piyansa.

Ayon kay Mayames, si alyas Kuya na isang e-trike driver ay miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at nai-turnover na sa WSS para sa tamang disposisyon.

Sabi pa ni Mayames, ang ikatlong suspek na naaresto sa bisa rin ng inisyung arrest warrant noong Pebrero 21 ni Pasay RTC Judge Edilwasif Tapsiril Baddiri ng Branch115 ay si alyas Macoy na tinaguriang top nine wanted persons sa ilalim ng station level dahil sa kasong illegal recruitment.

Si alyas Macoy na dinakip dakong alas-2 ng hapon sa kahabaan ng F.B. Harrison Street, Barangay 70, Pasay City, ay napagkalooban ng rekomendasyon na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa halagang P120,000. James I. Catapusan

Previous articleMasiglang turismo ngayong 2024 ginarantiya
Next articleMabilis na hustisya para sa inambush na 4 sundalo iniatas ng Malakanyang