Home METRO 3 MWP timbog sa Las Piñas

3 MWP timbog sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Tatlong most wanted persons (MWP) ang nadakip ng mga tauhan ng pinagsanib na pwersa ng Station Intelligence Section (SIS) at ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Las Piñas City police sa isinagawang dalawang magkasunod na araw na operasyon nitong nakaraang Sabado at Linggo, Pebrero 15-16.

S pamumuno ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ay inaresto ng mga miyembro ng SIS at WSS ang tatlong suspects na nakilalalang sina alyas Jo, 21, Top 4 MWP; ang babaeng suspect na tinaguriang Top 8 MWP na si alyas Donna, 45; at si alyas Pepe, 59, Top 7 MWP.

Base sa report na isinumite ni Tafalla kay Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel Abrugena, unang nadakip si alyas Jo dakong alas 10:00 ng umaga nitong nakarang Sabado sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City.

Si alyas Jo, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Enero 7, 2025 ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Judge Anne Beatrice Aguana Balmaceda ng Branch 200 na may Criminal Case No. 24-1218.

Nadakip si alyas Donna bandang alas 12:30 ng madaling araw ng Linggo sa Barangay Manuyo dahil sa inisyung warrant of arrest na inisyu din ni Judge Balmaceda noong Enero 17, 2025 habang nahuli naman si alyas Pepe bandang alas 10:00 ng umaga din ng Linggo sa Barangay Talon 3 sa bisa ng isinilbing arrest warrant ng mga operatiba ng WSS at SIS na inisyu ni Las Piñas City RTC Judge Josefina Eco Siscar ng Branch 201 noong Nobyembre 28, 2024.

Katulad din ni alyas Jo, sina alyas Donna at alyas Pepe ay sangkot din sa kaso na mayroong kinalaman sa ilegal na droga.

Ang mga suspects ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police habang naghihintay ng commitment order na galing sa korte para sa kanilang paglipat ng kulungan sa Las Piñas City jail.

“The Southern Police District’s ironclad commitment in enforcing the law and capturing high-value targets is exemplified by this operation. The security and safety of our communities are maintained by the indomitable will and tireless efforts of our officers,” ani Abrugena. James I. Catapusan