Home NATIONWIDE SC may paliwanag sa double jeopardy rule

SC may paliwanag sa double jeopardy rule

MANILA, Philippines – Sa kabila ng double jeopardy rule, ang pagkaka-acquit ng isang akusado ay maaari pang ipawalang-bisa kapag ang Estado ay napagkaitan ng due process.

Sa ilalim ng double jeopardy rule, hindi na maaaring litisin pa para sa parehong krimen ang isang akusado na napawalang-sala na ng korte, base sa isang probisyon sa Konstitusyon.

Hindi ito maaaring gamitin kapag: (1) hindi nabigyan ang prosekusyon ng pagkakataon na magpresenta ng ebidensya, (2) pagkukunwari lang ang paglilitis, o (3) may mistrial o maling paglilitis.

Dahil dito, isinantabi ng Supreme Court First Division ang pag abswelto kay Manuel T. Ubarra, Jr. sa kasong perjury.

Sinampahan ng kaso si Ubarra, na noo’y Vice President ng CJH Development Corporation, dahil sa umano’y maling paratang laban kay Atty. Arnel Paciano D. Casanova, na noo’y Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority.

Hinatulang guilty si Ubarra ng Metropolitan Trial Court pero pinawalang-sala ng Regional Trial Court dahil wala umano sa records ng kaso ang judicial affidavit ni Casanova.

Pero kinatigan ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Court of Appeals na binaliktad ang pagkaka-acquit kay Ubarra dahil sa hindi pagkonsidera sa lahat ng ebidensya. Hindi binigyan ng RTC ang prosekusyon ng pagkakataon na magpaliwanag kung bakit nawawala ang judicial affidavit, kaya nalabag ang right to due process ng Estado. TERESA TAVARES