Home NATIONWIDE DA magpapatupad ng maximum SRP sa karneng baboy sa Marso

DA magpapatupad ng maximum SRP sa karneng baboy sa Marso

MANILA, Philippines – NAKATAKDANG ipatupad ng Department of Agriculture ang maximum SRP para sa karne ng baboy ngayong Marso sa gitna ng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.

Makikita sa data mula sa DA Bantay Presyo na may ilang pork cuts ang binebenta ng P480 kada kilo sa ilang wet markets sa Metro Manila.

Sinabi ni Agriculture spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang konsultasyon sa mga stakeholders ay isasa-pinal ngayong linggo upang ang maximum SRP ay maipatupad ngayong buwan.

Ang pinal na pigura para sa MSRP ay hindi pa naia-anunsyo subalit nauna nang nagpahiwatig ang mga opisyal na ito’y mababa sa P400.

“Kung farmgate mo P250, so yung nababanggit nga ng 100 to 100 plus na profit margin. So P380 is reasonable. Sinabi na naman ni Secretary, anything above 400 is medyo sobra,” ayon kay De Mesa.

Nauna nang itinakda ng departamento ang ‘maximum SRP’ o ‘MSRP’ para sa bigas, regular na ibinababa para maimpluwensiyahan ang umiiral na market prices.

Ang maximum suggested retail price para sa imported rice ay ibinaba na sa P52/kilo simula Pebrero 15.

Ito’y alinsunod sa mga plano ng Department of Agriculture na unti-unting bumababa ang MSRP habang binibigyan naman ng panahon at oras ang mga retailers na tapusin ang fold stock.

Ito ang pangalawang pagkakataon na ang MSRP para sa imported rice ay naibaba.

Una rito ay P58/kilo, at pagkatapos ay ibinaba sa P55/kilo sa unang bahagi ng Pebrero.

Winika pa ni DA Agriculture Spokesperson Arnel de Mesa na sa susunod na buwan, buwan ng Marso, mas maibababa ito ng P49/kilo.

“Kaya nga tayo mag-set ng MSRP for the compliance. At kaya nga merong pag-aaral muna and then susunod ang mga konsultasyon para lahat aware dun sa mga gagawing hakbang at para bago pa man din magkaroon ng paglalatag ng MSRP. So yung likelihood ng compliance mataas,” ang sinabi ni De Mesa.

“The same na naging strategy with rice. Malaman natin na dapat ganito lamang yung presyo so pag naglatag tayo ng MSRP, susunod sila at maiwasan yung sobrang profit yun o sobrang paglalagay ng mataas na presyo,” dagdag na wika nito.

Pinag-iisipan ng departmento ang direct sale ng mas murang Karne ng baboy, kapareho ng Rice for All program.

“Similar to rice where we introduce yung Rice for All, we are also looking in the possibility that DA can also intervene doon,” aniya pa rin. Kris Jose