Home METRO Solvent boy na namukpok ng bato sa ulo ng pulis, arestado sa...

Solvent boy na namukpok ng bato sa ulo ng pulis, arestado sa Maynila

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 32 anyos na solvent boy na dati nang nakulong matapos nitong pukpukin ng bato ang isang pulis-Maynila na umaaresto sa kanya dahil naman sa pagdadala ng kutsilyo sa Malate, Maynila.

Nauna rito, hinahabol ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Manila Police District (MPD) ang suspek noong madaling araw ng Sabado nang biglang maghagis ng bato sa mga pulis.

Nakorner ng mga operatiba ang suspek ngunit nanlaban at biglang pinukpok ng matalas na bato ang isang rumespondeng pulis na nagtamo ng matinding sugat sa ulo.

Agad ding naaresto ang suspek na dati nang nakulong dahil sa kasong robbery.

Nakumpiska rin sa suspek ang isang kutsilyo.

Inamin din ng suspek na humithit ito ng solvent at planong manaksak ng kaaway na sangkot sa estafa bago pa siya maaresto.

Bagamat humingi ng paumanhin sa operatiba, tinuluyan pa ring i-inquest ang suspek at nahaharap sa mga kasong direct assault at illegal possession of bladed weapon.

Sa kabila nito, ipinag-utos ni MPD Director Brig.General Arnold Thomas Ibay na imbestigahan kung mayroong iba pang kinakaharap o kinasasangkutang kaso at krimen ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden