MANILA, Philippines- Iniulat ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni PCOL Melecio M Buslig, Jr. ang pag-aresto sa tatlong (3) Station Level-Most Wanted Persons sa bisa ng Warrants of Arrest kahapon, Enero 14, 2025.
Nabatid na inaresto ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa ilalim ng PMAJ Don Don M LLapitan kasama ng mga tauhan ng Holy Spirit Police Station (PS 14) ang No. 7 MWP ng PS 14 na kinilalang si Rommel Francisco, 47 taong gulang, at residente ng Bagong Pag-asa, Project 6, Quezon City bandang alas-5:30 ng hapon sa kanyang tirahan.
Si Francisco ay may nakabinbing Warrant of Arrest para sa paglabag sa R.A. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 na inisyu ng Branch 7, Family Court, Marikina City.
Sa kabilang banda, ang Masambong Police Station (PS 2) sa ilalim ni PMAJ Jan Christian Bautista ay nagsilbi ng Warrant of Arrest kay Rommel Padilla Alves, 42 taong gulang, na nakalista bilang No. 5 MWP ng PS 2, at residente ng Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City alas-3:30 ng hapon sa Male Dormitory, Guagua District Jail, BJMP, Region 3, Brgy. San Vicente, Ebus, Guagua, Pampanga dahil sa paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu ng Branch 309, RTC, Quezon City.
Kaugnay nito, nitong ala-1:30 ng hapon sa computer shop, sa Berting St., Brgy. Gulod, Novaliches, QC, naaresto ng Novaliches Police Station (PS 4) sa ilalim ni PLTCOL Rossel Cejas ang kanilang No. 8 MWP na kinilalang si Mark Anthony Dimayo, 34-anyos at residente ng Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City. Mayroon siyang nakabinbing Warrant of Arrest dahil sa paglabag sa R.A 9165 na inisyu ng Branch 103, RTC, Quezon City.
Sinabi pa ng QC police na aabisuhan ang kani-kanilang korte ng pinagmulan ng mga warrant tungkol sa pag-aresto sa mga akusado.
Kaugnay nito, binigyan naman ng komendasyon ni PCOL Buslig, Jr. ang mga operatiba ng QCPD dahil sa kanilang accomplishments at sinabing: “Ipagpatuloy natin ang pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa anumang uri ng krimen. Hindi tayo titigil hangga’t hindi nahuhuli ang mga may sala at maibigay ang hustisya sa mga biktima.” Santi Celario