MANILA, Philippines- Matinding kinastigo ni Senador Risa Hontiveros ang Project Dalisay na nagkalalat umano ng maling impormasyon hinggil sa Adolescent Pregnancy Prevention Bill na tinatalakay ngayon sa Senado.
Sa press conference, sinabi ni Hontiveros na isa umanong malaking kasinungalingan ang ipinakakalat ng naturang grupo na nagbabanta ang panukala sa moralidad, societal at spiritual values ng mga Pilipino.
“Bilang may-akda ng bill, nakakagulat at nakakagalit ang mga kasinungalingan na kumakalat sa social media laban sa panukalang batas na ito,” ayon kay Hontiveros.
“These outrageous claims from Project Dalisay were pulled out of thin air. May national emergency na nga, ang inatupag pa nila ay pananakot sa mga Pilipino,” paliwanag pa ni Hontiveros, chairperson ng Senate women, children, family relations, and gender equality.
Taliwas sa pananaw ng grupo na nasa likod ng “Project Dalisay,” sinabi ni Hontiveros na walang probisyon ang Senate Bill (SB) 1979 na magtuturo o hihikayat sa pagbabate ng kabataan na edad zero hanggang apat na taong gulang at pagtuturo ng “bodily pleasure” o “sexual rights” sa bata na edad na anim hanggang siyam na taong gulang.
“Absolutely none of those concepts exist in our bill. Those lines in their supposed rebuttal are complete and total fabrication,” ani Hontiveros.
Nilinaw din ng senador na hindi galing o halaw ang naturang panukala sa “Standards of Sexuality Education sa Europe,” kundi kinalap mula sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Law na nagpapatunay na hindi labag sa Saligang Batas ang SB 1979.
Ibinasura din ni Hontiveros ang argumento na wala nang karapatan ang magulang na pangasiwaan ang kanilang sexually active children.
“Kung saan nila nahugot ‘yan, hindi ko alam. Dahil walang batas o anumang polisiya sa Pilipinas ang magtatangkang magbawal sa mga magulang na gumabay sa ating mga anak,” ani Hontiveros.
Habang kinikilala ni Hontiveros ang ilang grupo na magsagawa ng posisyon pabor man o tutol sa panukala, dapat aniyang pagbasehan ang opinyon at komento sa tunay na pangyayari.
“Dapat makatotohanan, hindi po kasinungalingan ang basehan ng pag-atake sa isang panukalang batas lalo na po at ang layunin… ay dagdagan ang child protection sa dumarami pa ring bilang ng mga batang ina o teenage na mga ina o magulang,” ani Hontiveros.
“An honest reading will show, kumpara du’n sa mga atake laban sa bill na walang wala ‘yung mga atake na ‘yun about sa masturbation, anal and oral sex, sexual rights, sa mga bata. Those are outright frabrications,” dagdag niya.
Sinusugan naman ni Council for the Welfare of Children Undersecretary Angelo Tapales ang pananaw ni Hontiveros na lumahok sa naturang press conference, na nagsabing kailangan nang tugunan ang isyu sa adolescent pregnancy.
“Kung titingnan lang po ang katotohanan at mga nasusulat lamang sa [panukalang] batas ay wala pong dahilan para hindi po ito pumasa,” ayon kay Tapales.
“‘Pag po talagang di naging batas ang SB 1979 the cost of inaction is incalculable. We will lose the chance to save this generation from abuse, violence and neglect. Sana po ‘wag po tayong umabot du’n,” dagdag niya.
Pangunahin ang CWC bilang isang government inter-agency body na naglalayong tiyakin na magkaroon ng isang child-friendly at child-sensitive society.
Nasa plenaryo na ang naturang panukala. Ernie Reyes