Home HOME BANNER STORY 3 NAIA security sinibak sa ‘tanim-bala’

3 NAIA security sinibak sa ‘tanim-bala’

MANILA, Philippines- Sinibak na ang tatlong empleyado ng Office of the Transportation Security sa umano’y insidente ng ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang inanunsyo ni Transportation Secretary Vince Dizon sa media conference nitong Lunes.

Ayon kay Dizon,magsasagawa ng naaangkop na pagsisiyasat at ang tamang administrative charges ay isampa pagkatapos ng imbestigasyon.

“I’ve already instructed General [OTS administrator Arthur Velasco] Bisnar to issue that order today,” sabi ni Dizon.

“We will not stand for any abuse. Any abuse will be dealt with the same result and the same swift action from us, as mandated and as ordered to us by the President himself. We will not allow this to happen,” dagdag pa ng opisyal.

Sinibak ang tatlong empleyado matapos akusahan ng NAIA security personnel ang isang 69-anyos na ginang na si Ruth Adel na patungong Vietnam kasama ang kanyang pamilya ng “tanim-bala” bago ang kanilang boarding flight noong Marso 6.

Nag-viral ang natural post kung saan sinabi ni Adel na halos maiwan na sila ng flight matapos sabihin ng NAIA security na may nakita sa x-ray machine na ‘anting-anting’ o amulet sa loob ng kanilang luggage.

Sa pisikal na inspeksyon ng nasabing bag, walang nakitang anumang bala.

Sinabi ni Dizon na inatasan din niya ang mga opisyal ng OTS na suriin ang mga pamamaraan ng screening at security protocols sa paliparan.

Maglalagay din aniya ng hotline ang DOTr kung saan maaaring iulat ng mga pasahero ang kanilang mga karanasan sa NAIA.

Sinabi naman ni Bisnar na ang imbestigasyon sa tatlong empleyado ng OTS ay patuloy pa rin, ngunit ipinunto na may mga iregularidad na nakikita.

“Ang sinasabi ng ating personnel ay nagmamadaling kunin ng pasahero ang bagahe nila. So kahit may na-detect sila na mukhang basyo o bala sa x-ray, nung tinignan nila ay nakuha na ng pasahero,” sabi ni Bisnar.

“Ang mali naman na ginawa ay supposedly ang SOP ay doon mismo ‘yung physical check. So may pagkukulang rin talaga ang ating mga tao dahil hinabol pa nila sa boarding gate at hindi pa nila sigurado kung sino ‘yung pasahero at anong baggage ang involved,” dagdag nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden