MANILA, Philippines- Arestado ang tatlong drug suspects, dalawa sa kanila ang nakatala bilang high value individuals (HVI) habang ang isa ay street value individual (SLI), sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga miyembro ng Southern Police District (SPD) nitong Miyerkules.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Kosa,” 18, estudyante, ng Barangay 183 Villamor, Pasay City; alyas Christian,” 27; at alyas “Ryan,” 27, kapwa residente ng Barangay Talon Uno, Las Piñas City. Nadakip sila bandang alas-3:50 ng madaling araw sa kahabaan ng Andrews Avenue, Pasay City.
Batay sa imbestigasyon, nagsagawa ang mga miyembro ng District Drug Enforcement Unit (DDEU-SPD) at District Intelligence Division (DID-SPD) ng buy-bust operation na nagresulta sa paghuli sa mga suspek na nakatala sa police gallery dahil sa kanilang notoryus na illegal drug activities.
Base sa mga awtoridad, nakumpiska ngg DDEU at DID operatives mula sa mga suspek ang 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga P680,000.
Nakaditine ang mga suspek sa SPD custodial facility at kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA