Bulacan – Arestado ang isang 49 anyos na lalaking nanutok ng baril sa isang sanggol nang hindi makita ang nawawala niyang asawa sa bayan ng San Miguel.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police director PCOL Satur Ediong, kinilala ang suspek sa alyas “Edu”, residente ng Brgy. Pulong Bayabas.
Ayon sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang 10:00 ng gabi nitong Enero 13 sa nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon, pumunta ang galit na suspek sa bahay ng pamilya ng biktima para ilabas ang kanyang hinahanap na asawa kasabay ang pagtutok ng baril sa ulo ng 9-month old na sanggol na naroroon.
Nang makarating sa mga awtoridad ang nangyari ay agad rumesponde sa lugar kaya agad nahuli ang suspek at nasamsam ang improvised gun at 16-gauge live round of ammunition.
Samantala, huli rin sa hot pursuit operation ng mga pulis ang 31 anyos na magsasakang namaril at ikinasugat ng 29 anyos na lalaking nakainuman niya nitong gabi ng Enero 13 sa bayan ng Bustos.
Narekober ng mga pulis sa operasyon ang Squid Man Cal. 22 rifle at magazine at tatlong bala sa suspek habang ginagamot naman ang biktima sa Bulacan Medical Center.
Sa bayan ng Plaridel, bandang 12:45 ng madaling araw nitong Enero 14, arestado rin ang umano’y lalaking lasing na nagsisigaw, may dalang itak at pumalag sa mga rumespondeng pulis.
Nakumpiska ng mga pulis sa naarestong lasing na suspek ang bolo knife na kanyang bitbit.
Nahaharap ang mga suspek sa patong-patong na kaso habang nakakulong sa istasyong humuli sa kanila. Dick Mirasol III