Home NATIONWIDE NBI ‘di magpapa-pressure sa imbestigasyon vs VP Sara

NBI ‘di magpapa-pressure sa imbestigasyon vs VP Sara

MANILA, Philippines – Ipinagkibit-balikat lamang ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang naging malawakang rally ng Iglesia Ni Cristo na tumututol sa mga hakbang para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Iginiit ng kalihim na wala itong epekto sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa umano’y pagbabanta ni Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sinabi ni Remulla na hindi maaapektuhan ang NBI sa naging rally na sumusuporta sa nais ng Pangulo na huwag ituloy ang anumang impeachment case laban kay Duterte.

Ayon sa kalihim, ang idinaos na INC rally ay pagsasakatuparan lamang ng kanilang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.

Aniya, hindi magpapatinag ang NBI investigating panel sa anumang political pressure.

Sinabi ni Remulla na wala rin kinalaman sa NBI investigation ang naging anunsyo ni VP Duterte hinggil sa kanyang plano sa 2028.

Ang isyu aniya na tinututukan ng NBI ay kung nakagawa ng krimen ang bise presidente. TERESA TAVARES