MANILA, Philippines — Mahigit isang linggo matapos ang mapaminsalang pagbaha noong Setyembre 17 sa Valencia City, Bukidnon, tatlong katao ang nawawala habang patuloy ang search and retrieval operations.
Kabilang sa pinaghahanap sina Johnny Borbon, 63; Dina Consolacion, 48; at dalawang taong gulang na si Andrea Vistal.
Natagpuan naman sa Pulangui Dam reservoir sa Panadtalan, Maramag ang bangkay ng apat na taong gulang na si Deejay Ark Taña-Viña, na ikalimang kumpirmadong nasawi sa trahedya.
Ayon kay Jovenone Abriol Ellacone, tagapagsalita ng Valencia City Disaster Risk Reduction and Management Office, nagpapatuloy ang clearing operations ng debris sa mga labis na naapektuhan, partikular sa Puroks 20 at 13 ng Barangay Poblacion.
Umabot na sa ₱65 milyon ang pinsala sa pananim, alagang hayop, kabahayan, at imprastruktura sa walong barangay.
Tumaas din sa 2,725 pamilya o 4,234 indibidwal ang kabuuang naapektuhan, habang marami pa ring nawalan ng tirahan ang nananatili sa city gym na nagsisilbing evacuation center. RNT/JGC