Home METRO 3 OFW na biktima ng tampered visa naharang ng BI

3 OFW na biktima ng tampered visa naharang ng BI

MANILA, Philippines- Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong overseas Filipino worker (OFWs) sa pag-alis ng bansa matapos silang magpakita ng mga pasaporte na may tampered visa noong Lunes, Hunyo 10.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI na naharang ang tatlong biktima na OFW sa NAIA Terminal 3 bago sila makasakay sa flight ng Cebu Pacific Airlines patungong Dubai.

Ayon sa mga tauhan ng I-PROBES na nag-interbyu sa mga biktima, inalok umano ang mga itong magtrabaho sa Dubai bilang mga tagapaglinis at nagbigay ng mga employment documents upang suportahan ang kanilang claim.

Sa isinagawang inspeksyon, nakumpirma na ang kanilang United Arab Emirates (UAE) employment visa ay pinakialaman, na nagmumungkahi ng potensyal na mapanlinlang na aktibidad.

Napag-alaman sa imbestigasyon na walang alam ang mga biktima sa mga tampered visa at posibleng naligaw ng isang recruitment agency.

Ang kaso ay kalaunan ay inilipat sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon.

“Be wary of any agency or individual promising expedited or guaranteed visa processing, as this could be a red flag for potential fraud or exploitation,” babala ni Tansingco. JAY Reyes