Home NATIONWIDE Pinoy conjoined twins matagumpay na napaghiwalay sa Saudi Arabia

Pinoy conjoined twins matagumpay na napaghiwalay sa Saudi Arabia

MANILA, Philippines- Matagumpay na napaghiwalay ang Filipino conjoined twin sisters na sina Ayeesha at Akhizah Yusoph sa operasyong pinangasiwaan ng pamahalaan ng Saudi Arabia.

Isinagawa ng pediatric surgeon na si Dr. Abdullah Al Rabeeah ang operasyon noong Hunyo 6 sa King Abdullah Specialist Children’s Hospital sa pamamagitan ng King Salman Humanitarian Aid and Relief Centre (KSrelief).

Sa ulat noong Hunyo 11, kinilala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang humanitarian program ng Saudi Arabia, na nakapaghiwalay din sa Filipino conjoined twins na sina Ann at Mae noong 2004.

Nauna nang nag-isyu si King Salman bin Abdulaziz Al Saud ng Saudi Arabia ng isang royal decree, na pinapayagang operahan sina Akhizah at Ayeesha.

Dumating sina Ayeesha at Akhizah sa Riyadh noong Mayo 5 at sumailalim sa comprehensive assessment bago ang kanilang surgery.

Pinondohan ng gobyerno ng Saudi Arabia lahat ng gastos, kabilang ang transportasyon at akomodasyon ng pamilya sa treatment period.

Pinangasiwaan ng Saudi Conjoined Twins Separation Program ang matagumpay na operasyon ng mahigit 130 bata mula sa 25 iba’t ibang bansa mula 1990.

Nauna nang sinabi ng Saudi Arabia Embassy sa Manila na ipinakikita ng procedure ang medical capabilities ng Kingdom, bilang pioneer sa larangan ng paghihiwalay ng conjoined twins.

“Its medical successes extend beyond the realm of separating conjoined twins to include combating advanced treatments. These achievements highlight the Kingdom’s future vision for healthcare, where it attracts attention from seekers of excellent deadly diseases and developing treatment and superior healthcare,” anito. RNT/SA