Home NATIONWIDE 3 pang Pinoy balik-Pinas na mula sa scam hub sa Laos

3 pang Pinoy balik-Pinas na mula sa scam hub sa Laos

MANILA, Philippines- Iniulat ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang pagdating ng tatlong Filipino repatriates mula sa Laos.

Batay sa ulat ng Immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) kay BI Commissioner Norman Tansingco, dumating sa Pilipinas ang mga biktima sakay ng Air Asia flight mula Vientiane matapos mabiktima ng scam hub sa rehiyon.

Inamin ng mga biktima na inalok sila ng trabaho bilang mga call center agent, ngunit katulad ng mga naunang pinauwi, pinagtrabaho sila bilang mga scammer na nagsasagawa ng mga operasyon ng love scam.

Una nang naghayag ng pagkaalarma ang BI sa modus noong 2022, kung saan ibinaba ng Interpol kamakailan ang kanilang pagkabahala sa mga gang at scammers sa Southeast Asia na sangkot sa online romance scam centers.

Inilahad ng mga naunang biktima kung paano sila napilitang sumali sa mga dating site at linlangin ang Western men sa pamumuhunan sa mga pekeng cryptocurrency account. Sinabi ng mga biktima na sila ay pisikal na inabuso kung hindi maabot ang kanilang quota.

Binabanggit ng mga artikulo sa balita ang Interpol sa pagsasabing ang isang organisadong grupo ng krimen ay maaaring kumita ng hanggang $50 bilyon sa isang taon.

“There’s no sign that these traffickers will stop,” ani Tansingco. “Until there are more victims that they can scam, and more Filipinos that they can dupe to join their illegal scheme, then this problem can keep on growing,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi ni Tansingco na bukod sa mahigpit na departure formalities, nag-utos siya ng malakas na communications campaign para ipaalam sa publiko ang nabanggit na modus. JAY Reyes