MANILA, Philippines – TATLONG katao ang napaulat na nasawi habang tatlo naman ang nasugatan dahil sa epekto ng sanib-lakas ng Severe Tropical Storm Crising (international name: Wipha) at Southwest Monsoon (Habagat).
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na ang dalawang nasawi ay mula sa Northern Mindanao, habang ang isa naman ay mula sa Davao Region.
Ang lahat ng nasugatang tao ay mula sa SOCCSKSARGEN.
Iniulat din ng NDRRMC na may tatlong katao ang nawawala, ang lahat ng ito ay mula sa Western Visayas.
“The reported casualties are for validation,” ayon sa NDRRMC.
May kabuuang 370,289 indibiduwal, o 120,008 pamilya ang apektado ng Crising.
Sinabi pa ng NDRRMC na 6,720 pamilya o 22,623 indibiduwal ang nananatili sa evacuation centers, habang 5,287 pamilya o 20,759 indibiduwal ang nananatili sa labas ng evacuation centers.
Si Crising ay lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), araw ng Sabado.
Samantala, sa 4 a.m. weather forecast, araw ng Linggo, sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang Southwest Monsoon na magdala ng pag-ulan sa ilang lugar sa bansa. Kris Jose