Home METRO 3 patay, 4 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente ng bus

3 patay, 4 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente ng bus

MANILA, Philippines – Patay ang drayber at mag-ama habang apat naman ang sugatan sa magkakahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng mga bus sa Davao City at Sta. Cruz, Davao del Sur.

Sa insidente sa Barangay Bato, Sta. Cruz, Davao del Sur nitong Biyernes ng gabi, Mayo 31, wasak ang isang pick-up matapos na bumangga sa kasalubong na bus.

Dead on the spot ang drayber ng pick-up habang sugatan naman ang mga pasahero nito kabilang ang drayber at konduktor ng bus.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay nito.

Samantala, inararo naman ng bus na pagmamay-ari ng Kingdom of Jesus Christ ni Appointed Son of God, Apollo Quiboloy ang isang bahay at nakaparadang pickup sa Purok 10-B, Brgy. Los Amigos, Tugbok District, Davao City nitong Sabado ng umaga, Hunyo 1.

Sa imbestigasyon, nakatulog umano ang drayber ng bus.

Dinala na sa Tugbok Police Station ang drayber ng bus para imbestigahan at masampahan ng kaso.

Bukod dito, isang bus din ang sangkot sa aksidente sa Diversion road crossing bypass road sa Barangay Ma-a, Davao City nitong Sabado ng madaling arw.

Bumangga ang bus sa kasalubong na motorsiklo na agad ikinasawi ng drayber ng motor at dalawang taong gulang na babaeng anak nito.

Sugatan naman ang isa pang angkas ng motor.

Nagpapatuloy din ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. RNT/JGC