Home HOME BANNER STORY 3 patay, 7 nawawala sa lumubog na 2 motorbanca sa pagitan ng...

3 patay, 7 nawawala sa lumubog na 2 motorbanca sa pagitan ng Boracay at Antique

MANILA, Philippines – Tatlo ang kumpirmadong patay habang pitong pasahero ang patuloy na pinaghahanap sa isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG, sampu naman sa mga pasahero ang nasagip nang lumubog ang dalawang motorbanca sa Antique.

Sa inisyal na imbestigasyon, at ibinahaging impormasyon ng PCG ngayong Huwebes, Agosto 29, ang MBCA Ure Mae at isa pang mortorbanca ay lumubog sa karagatan sakop ng Caluya Island, Antique.

Umalis ang mga motorbanca sa Boracay Island alas-4 ng umaga noong Lunes patungong Caluya, Antique.

Sa kanilang paglalayag, sinalubong sila ng malalaking alon at masamang panahon dahilan para pasukin ng tubig ang bangka na nagresulta ng paglubog.

Sakay ng motorbanca ang 20 pasahero kasama ang boat captain.

Ibinahagi naman ng dalawang nakaligtas na matapos ang insidente ay nagpalutang-lutang sa San Jose, Romblon at lumangoy patungong pampang upang humingi ng tulong.

Naglunsad naman ang PCG, Municipal Police Station (MPS) San Jose, at MDRRMO -San Jose ng SAR mission upang mahanap at mailigtas ang iba pang pasahero.

Pinayuhan naman ng PCG ang mga mangingisda at naglalayag na dadaan sa nasabing baybayin na iulat sa kanila sakaling mamataan ang mga nawawalang indibidwal para ito ay agad matugunan. Jocelyn Tabangcura-Domenden