Home NATIONWIDE Kaso ng pertussis patuloy na bumababa – DOH

Kaso ng pertussis patuloy na bumababa – DOH

MANILA, Philippines – Patuloy na bumababa ang bilang ng kaso ng pertussis o “whooping cough” sa bansa na mayroon na lamang 19 naitala mula Agosto 4 hanggang 17 ngayong taon.

Sa pinakahuling datos na ibinahagi ng Department of Health (DOH), ang case trends para sa perstussis ay nanatiling mababa mula 131 kaso naitala noong Hulyo 7 hanggang 20, ay bumaba sa 77 kaso noong Hulyo 21 hanggang Agosto 3, at 19 kaso noong Agosto 4-17.

Gayunman, apat na rehiyon, ang National Capital Region, Cagayan Valley, Western Visayas at Davao Region ang naobserbahan na may pagtaas sa kaso sa nakaraang anim na linggo pabalik mula Agosto 17.

Kabuuang 3,827 pertussis cases ang naitala ngayong 2024 karamihan noong Marso at Abril. Ito ay 13 beses na mas mataas kaysa 291 kaso naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Noong Marso, nagtaas ang DOH sa code blue alert at nagtatag ng Public Health Emergency Operations Center upang mapababa ang mga kaso ng perstussis at tigdas sa buong bansa.

Naghudyat ito ng pinaigting na mga aktibidad upang mapagaan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna, micronutrient supplementation, pakikipag-ugnayan sa komunidad at risk communication.

Inalis din ang code blue alert makalipas ng tatlong buwan kasunod ng patuloy na pagbaba ng mga kaso simula nang ipatupad ang pinaigting na pagbabakuna laban sa nakakahawang sakit.

Kaugnay sa bakuna, sinabi ng DOH na dumating ngayong buwan at nasa cold storage ang 500,000 doses ng pentavalent o 5-in-1 jabs na poprotekta laban sa pertussis gayundin sa diphtheria, tetanus, Hepatitis B at Haemophilus influenza type B (DPT-Hep B-HiB).

Karagdagang 750,000 ng pentavalent vaccines ay nakatakda ring dumating sa susunod na linggo.

Sinabi ng DOH na kanila munang isasapinal ang mga dokumento bago ipamahagi ang mga bakuna sa health centers ng gobyerno sa buong bansa.

Inatasan din ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga kaukulang yunit ng DOH na tiyaking naihatid ang balance ng mga doses sa lalong madaling panahon. Jocelyn Tabangcura-Domenden