Home METRO 3 patay, 7 sugatan sa banggaan ng 3 sasakyan

3 patay, 7 sugatan sa banggaan ng 3 sasakyan

MANILA, Philippines- Patay ang tatlong indibidwal kabilang ang dalawang menor-de-edad habang pito ang sugatan sa banggaan ng tatlong sasakyan nitong Linggo sa kahabaan ng North boundlane ng Maharlika Highway sa Barangay Talisay, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang tatlong nasawi na sina Leo Dizon, 9, naninirahan sa Hilitungan Kawayan, Masbate City, Angelu C. Palacio, 17, ng Pasiagon, Masbate City at Guillermo Catamco Jr.

Samantala, kabilang naman sa nasugatan sina Mazer Fajardo y Lominog, 34, Lenoe Delos Reyes y Dizon, 52, Sandy Reyes y Florez, 13, Jean Cabacus, 12, Rex Escuna y Canete, 27, Eric Atienza, 51, at Roshan Samillano, 3, pawang mga nakatira sa Masbate City.

Batay sa imbestigasyon ng Tiaong Police Station, naganap ang aksidente ng dakong alas -3:30 ng madaling habang tinatahak ng isang Mitsubishi Xpander na may plakang DAU – 4774 na minamaneho ni Francus Catalla y Ramos ang Southbound Direction, kung saan ang Bicol Irarog Bus na may plate number na NAN-7980 ay patungo sa direksyong northbound na minamaneho ni Anthony Sambrano y Nazareno,samantalang ang Toyota Van na may plakang NEV- 3133 na minamaneho ni Emgee Catalla y Compuesto na kasalukuyang nasa direksyong southbound.

Napag-alaman na nag-overtake umano ang Toyota Van sa Mitsubishi Xpander na nasa direksyong northbound ang Isarog Bus na humantong sa aksidenteng banggaan ng tatlong nasabing sasakyan na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng pito.

Nabatid sa ulat na ang mga nasabing sugatan ay pansamantalang ginagamot sa pinakamalapit na ospital, samantalang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naganap na aksidente. Ellen Apostol