Home NATIONWIDE Publiko binalaan vs illegal recruiters

Publiko binalaan vs illegal recruiters

MANILA, Philippines- Naglabas ng babala ang Philippine Embassy sa Israel para sa mga Pilipino kung saan ipinanawagan na maging alerto laban sa job openings na iniaalok ng unauthorized recruiters. 

Sa abisong ipinalabas nitong Biyernes, sinabi ng embahada sa Tel Aviv na dapat munang aprubahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang recruiter, recruitment agency at employment contract bago matanggap ang manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Dagdag nito, pinapayagan lamang ang mga manggagawang Pilipino na magtungo sa isang bansa na itinuturing na ligtas at pinoprotektahan nito ang karapatan ng mga manggagawa.

“Sakop ng mga batas at panuntunang ito ang mga tao o kumpanya na kasalukuyang nanghihikayat ng mga Pilipino sa Israel bilang manggagawa patungo sa U.S., Canada, Australia, Europe, at iba pang destinasyon,” anang embahada.

Hinihikayat din ang mga Pilipino na ipaalam sa embahada ang unauthorized recruiters upang maimbestigahan ang mga ito ng mga awtoridad at maparusahan sakaling mapatunayang lumabag sa batas.

Sa ilalim ng RA 10022, makukulong ang illegal recruiters hanggang 20 taon at pagmumultahin hanggang P2 milyon. RNT/SA