Home NATIONWIDE Pagpapatrolya ng PNP pinaigting vs riding-in-tandem crimes

Pagpapatrolya ng PNP pinaigting vs riding-in-tandem crimes

MANILA, Philippines- Dadagdagan ang mga pulis na itatalaga upang magpatrolya sa major roads sa gitna ng ilang riding-in-tandem incidents na naiulat sa mga nakalipas na linggo, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.

Sa Metro Manila, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ipinag-utos ni PNP Chief P/General Rommel Francisco Marbil has na ilipat ang 600 tauhan na nauna nang itinalaga sa pagsasagawa ng administrative tasks sa Camp Crame sa mga kalsada upang magpatrolya.

“In the recent days and weeks ay may mga naitala tayong na mga kaso ng riding-in-tandem na ang mga suspek ay doon sa pamamaril. Hindi lang ito limitado sa NCRPO (National Capital Region Police Office),” wika ng opisyal sa isang panayam.

“Kaya ipinag-utos na ng ating Chief PNP na dagdagan pa ang deployment ng ating mga tauhan sa mga pangunahing kalsada natin,” dagdag niya.

Noong Mayo 24, patay sa pamamaril ng hindi natukoy na motorcycle-riding gunman ang isang Land Transportation Office (LTO) official habang nakasakay sa kanyang van sa Quezon City. 

Nito namang Miyerkules, todas din sa pamamaril ang isang 16-anyos na graduating student sa labas ng isang gym sa Tipo-Tipo, Basilan. Nahagip sa CCTV footage ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Ani Fajardo, nakatulong ng CCTV cameras upang mahuli ng mga pulis ang mga suspek na sangkot sa riding-in-tandem incidents kamakailan.

Pahayag pa niya, gagamit ang ilang pulis ng motorsiklo, habang bisikleta naman para sa iba pa upang magpatrolya sa mga lugar sa loob at labas ng Metro Manila.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Fajardo na ang crime solution efficiency ng PNP ay nasa 90%.

“Hindi na lamang probable cause ang gusto natin sa pagsasampa ng kaso kundi ‘yung reasonable certainty of conviction na po ‘yung ating hinahabol,” giit ng opisyal. RNT/SA