MALLIG, Isabela – Binawian ng buhay ang tatlong katao sa nangyaring karambola ng sasakyan sa Brgy. Victoria, Mallig, Isabela.
Una rito, binabaybay ng smash single motorcycle na minamaneho ni Russel Antonio, at ng Rusi Single Motorcycle na minamaneho naman ni Joel Verano ang timog na direksyon, habang nasa kasalungat na direksyon naman ang Honda XRM na minamaneho ni Julius Ceazar Viluan.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nag-overtake umano ang Honda XRM sa sinusundan nitong 4-wheels ngunit pagpasok sa kabilang linya ay nasalpok nito ang Suzuki Smash na minamaneho ni Antonio, habang nadamay rin sa salpukan ang motorsiklo ni Joel Verano.
Dahil sa lakas ng banggaan, dead on the spot ang driver ng Honda XRM na si Viluan maging ang driver ng smash na si Antonio, habang dead-on-arrival naman ang backride nito na si Justine Orsia
Samantala, nagtamo naman ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang backride ni Viluan maging si Verano at ang backride nito na ngayon ay kasalukuyang nasa pagamutan.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang naturang aksidente na ikinasawi ng tatlong katao. REY VELASCO