
ISANG magandang balita mula sa Department of Foreign Affairs – Office of Consular Affairs (DFA-OCA) sa mga kababaihan na kukuha pa lamang o magre-renew ng kanilang pasaporte na pinapayagan na alinsunod sa Republic Act No. 11983 o ang “New Philippine Passport Act” na muling gamitin ang kanilang apelyido sa pagkadalaga matapos ang pag-aasawa basta kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.
Ibig sabihin, may legal na karapatan na ngayon ang mga Filipina na gamitin ang kanilang apelyido sa pagkadalaga sa kanilang pasaporte. Gayunman, ito ay isang beses lamang maaaring gawin at kailangang ipakita ito sa lahat ng opisyal na dokumento at pagkakakilanlan ng aplikante.
Kinakailangang maghanda ng sumusunod:
– Orihinal at photocopy ng Certificate of Live Birth o Report of Birth na mula sa Philippine Statistics Authority (PSA);
– Orihinal at photocopy ng Certificate of Marriage o Report of Marriage mula sa PSA;
– Notarized Affidavit of Explanation na nagsasaad ng kahilingan sa reversion sa apelyido sa pagkadalaga sa Philippine passport o travel document at nagpapatunay na hindi pa nagamit ang reversion na ito noon;
– Pinakahuling Philippine passport o travel document;
– Anomang valid at existing government-issued ID na tinatanggap sa passport application at nakapangalan sa apelyido sa pagkadalaga ng aplikante.
Para naman sa mga kasong may kinalaman sa annulment, nullity, legal separation, divorce, o pagkabalo, kailangan ding magsumite ng kaukulang dokumento depende sa dahilan ng reversion:
– Kung ang asawa ay pumanaw na, orihinal at photocopy ng Death Certificate mula sa PSA o katumbas na dokumento mula sa ibang bansa na may English translation.
– Kung natapos ang kasal sa pamamagitan ng annulment, declaration of nullity, legal separation, o judicially recognized foreign divorce (o divorce under Presidential Decree No. 1083, kailangan ang orihinal at photocopy ng Marriage Certificate mula sa PSA na may annotation na nagsasaad ng dissolution ng kasal.
May template ng affidavit na maaaring i-download DFA website.
Tatanggapin din ng DFA- OCA ang duly notarized affidavit basta malinaw nitong nilalahad ang dahilan ng aplikante sa pagbabalik sa apelyido sa pagkadalaga at nagpapatunay na nasunod ang lahat ng dokumentaryong requirements.
Paglilinaw ng DFA-OCA, ang isang babaeng kasal na ginamit na ang apelyido ng kanyang asawa sa pasaporte o travel document ay pinapayagan lamang isang beses na bumalik sa kanyang apelyido sa pagkadalaga, at maaari lamang ito pagkatapos ng dissolution ng kanilang kasal.