
WALA na yatang katapusan ang matagal ng problema sa daloy ng trapiko lalo na ngayong sisimulan na ang rehabilitasyon ng EDSA para paghandaan ang pagho-host ng Pilipinas sa 2026 ASEAN summit.
EDSA lang ba ang may problema sa traffic? Hindi ba sa lahat naman ng lansangan ay problema dahil hindi matapos-tapos na road reblocking, pagbubutas ng mga kalsada kahit maayos pa, walang planong road repairs at iba na na hindi magawan ng solusyon ng mga kinauukulan.
Katwiran ng mga ito, dumadami kasi ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada, lalo na mga truck, kaya mabagal ang daloy ng trapiko kaya nalulugi tayo ng milyon-milyon kada araw.
Pero ito ba talaga ang problema o yung mga palpak na pagsasaayos ng mga lansangan, tulay, at iba pang imprastraktura?
Kamakailan nga lang, gumuho ang isang bagong-bagong tulay sa Isabela na hindi pa alam kung may problema ba sa disenyo, palpak ang pagkakagawa, o dahil ba talaga sa sobrang bigat ng mga dumadaang sasakyan?
Sa ginanap na pagdinig ng Senado sa nangyaring pagbagsak ng tulay, diretsahang hinarap ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways para hanapan ng sagot kung ano talaga ang dahilan ng pagbagsak ng tulay.
Tameme ang mga opisyal kay Cayetano habang ang mga tumugon, puro palusot lang sagot dahil walang konkretong aksyon at walang malinaw na direksyon kaya kahit sino siguro ang mag-imbestiga ng insidente ay tiyak na mawiwindang dahil tila walang sense of urgency ang DPWH.
Kung seryoso kasi ang pamahalaan na solusyunan ito, hindi lang ang naturang ahensya ang dapat gumalaw kundi dapat ay makisama rin ang iba pang ahensya para tiyakin na nasusunod ang tamang regulasyon sa mga tulay at kalsada.
Hindi pwedeng puro kumpiyansa at pangakong “Sige lang” o paulit-ulit na deklarasyong “We’ll get to the bottom of this.”
Tama na siguro ang pagmamalinis tuwing budget deliberation. Ito na ang pagkakataon ng DPWH at iba pang ahensya ng pamahalaan upang patunayan na may silbi kayo. Hindi puwedeng reactive, dapat proactive.